MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nalutas na ang brutal na pagpatay at pagnanakaw sa isang tindera matapos maaresto ang drayber na pinaniwalaang responsable sa nasabing krimen sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang nadakip na si Chester Abello, 28, ng Arellano St. Cainta, Malabon City. Ayon kay PO3 Joel Gagaza, ng CIDU ng Quezon City Police, si Abello ang itinuturo ng mga pangunahing testigo na huling nakita sa lugar ilang oras matapos na matagpuang duguan at walang buhay na nakahandusay ang biktimang si Robilen Pongcol, 21, stay-in sa bahay ng kanyang amo sa Malabon City sa loob ng binabantayan nitong tindahan noong April 27, 2009.
Ayon pa kay Gagaza, mula umano nang una nilang makita ang suspek ay pinaghinalaan na nila ito dahil sa nakitang “ligature marks” sa kanyang mga kamao. Bukod pa rito ay naramdaman nilang kinakabahan ang suspek at pinagpapawisan matapos tanungin sa naturang insidente.
Ganap na alas-6:30 ng umaga ng Abril 27, nang matagpuan ang bangkay ni Pongcol sa Arny Dading pichi-pichi store, ilang oras matapos na ihatid umano ito ni Abello dito mula sa bahay ng kanilang amo. Sinabi ng ilang testigo, bandang alas-5 ng madaling-araw ay nakarinig sila ng mga kalabog sa nasabing tindahan at ilang sandali pa ay nakita nilang naglalakad ang nasabing suspek.
Dagdag pa ni Gagaza, naging matibay ang testimonya ng mga testigo na nagpapatunay na nakita ang suspek kung kaya agad nilang isinagawa ang agarang pag-aresto dito. Matatandaang bukod sa pagpatay kay Pongcol ay tinangay pa ang kinita ng tindahan na aabot sa P14,000.
Sasampahan na ng kasong robbery with homicide ng mga awtoridad ang nasabing suspek. (Angie dela Cruz)