MANILA, Philippines - Pinapurihan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Quezon City government partikular si QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte dahil sa mataas na tax payments na naisagawa ng lokal na pamahalaan noong nakaraang taon.
Ang QC ay nakapagbayad ng kabuuang buwis sa BIR na may halagang P423,293,634.90 para sa taong 2008.
Sinabi ni BIR regional director Antonio Montemayor na ang naturang halaga ay hindi lamang malaking tulong sa ahensiya kundi malaking tulong sa epekto ng global crisis na nararanasan sa bansa.
Ang mataas na tax payments ng QC hall sa BIR ay base naman sa mataas na revenue collection ng pamahalaang lokal.
Ang QC government ay mayroong P8.8 bilyon city budget ngayong 2009 na nagpapakita ng P200 milyong pagtaas sa nagdaang budget na P8.6 bilyon at P2 bilyon kataasan sa city budget na P6.8 bilyon noong taong 2007. (Angie dela Cruz)