Dating guro timbog sa panggagantso
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment operation sa Maynila ang isang dating guro na umano’y nanloko ng milyong pisong halaga sa kanyang mga kapwa guro.
Kinilala ni NBI Director lawyer Nestor M. Mantaring ang suspek na si Marites Francisco, ng Paez St., Concepcion, Malabon City na naaresto matapos na ireklamo ng kasamahan niyang si Reynaldo Corvero na teacher sa Malabon National High School.
Lumalabas sa imbestigasyon, na noong 2005 ay hinikayat ng suspek ang biktima at ang iba pang guro na mag-invest sa pagbebenta ng gift certificates ng isang dept. store sa mas mababang halaga at may sampung porsiyento umano silang kikitain kada buwan na makukulekta nila tuwing ika-15 at ika-30 araw ng buwan.
Inamin naman ni Corvero na mula Disyembre 2005 hanggang Abril, 2007 ay nakatutupad naman sa kanyang obligasyon sa mga investor si Francisco na nagpakilalang konektado sa department store.
Subalit nang mga sumunod na buwan ay huminto na sa pagbabayad si Francisco dahil wala na raw siyang pera hanggang noong November, 2007 tumigil na ito sa pagtuturo at mula noon ay hindi na nagpakita sa nabanggit na paaralan.
Nabatid na umaabot sa 2 milyong piso ang natangay ng suspek kay Corvera at 11 pang biktima na namuhunan ng mula P5,000 hanggang P995,000.
Dito rin natuklasan na hindi konektado sa shopping center na kinukunan nito ng gift certificate ang suspek base sa certification na pinadala nito sa NBI. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending