Bus holdap sa EDSA, umariba
MANILA, Philippines - Patuloy na namamayagpag ang kilabot na highway robbery-holdup gang sa lungsod ng Quezon kung saan isa na namang pampasaherong bus ang biniktima ng mga ito dito kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng Station 10 ng Quezon City Police, isang pampasaherong bus na Barkat Pub (TXP-301) sakay ang 10 pasahero ang hinoldap ng apat na kalalakihan na armado ng baril at granada sa may kahabaan ng EDSA partikular sa West Avenue sa lungsod.
Ayon sa driver na si Francisco Manio, 36, hindi niya natandaan kung saan lugar sumakay ang mga suspek dahil karamihan sa pasaherong sumakay sa kanila ay paisa-isa lamang.
Sinasabing alas-8 ng gabi nang holdapin ng grupo ang naturang bus sa nasabing lugar matapos na tutukan ng baril at magbanta ang mga ito na pasasabugin ang bus kung lilikha ang mga sakay dito ng ingay.
Matapos makuha ang mga kagamitan at pera ng mga biktima ay mabilis na nagsipagbabaan ang mga suspek malapit sa GMA station.
Ito ang pangatlong insidente ng bus robbery/holdup incident na naganap sa kahabaan ng EDSA sa lungsod. Isa sa biktima nito ay ang ROV Transport Services (PVH-389) na may 15 pasahero na puro mga estudyante at isang pampasaherong bus na bumibiyahe sa Susana Heights South Superhighway patungong Mantrade sa Edsa Makati City.
Samantala, sa panayam sa mga biktima ng Barkat bus, duda sila na kasabwat ng mga suspek ang driver ng bus dahil sa halip na huminto umano ito ay nagdire-diretso lamang sa pagtakbo kahit alam umano nitong maaari silang makahingi ng tulong sa malapit na himpilan ng pulisya.
Ayon naman sa awtoridad, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon kaugnay dito, kung saan may sapantaha silang iisa ang grupong nambiktima sa naturang mga bus.
- Latest
- Trending