Hindi nagbigay ng yosi, tinarakan ng kainuman

MANILA, Philippines – Dahil lamang sa hindi pagbibigay ng sigarilyo isang lalaki ang pinatay sa saksak ng kanyang kainuman kama­kalawa ng gabi sa Caloocan City.

Patay na nang idating sa President Diosdado Maca­pa­gal Memorial Medical Center sanhi ng mga saksak sa kata­wan si Jojit Ramirez, 31, ng Baltazar St., ng lungsod na ito. Pinaghahanap naman ang suspek na si Peter Signar   at kapitbahay ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pu­lisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi ha­bang nag-iinuman ang biktima at ang suspek sa kanilang lugar nang manghingi ng sigarilyo ang huli sa una.

Tumanggi namang mag­bigay si Ramirez kasabay nang pagsasabi sa suspect na bumili na lang ito ng siga­rilyo dahil siya (biktima) na ang bumili ng alak. Napikon umano ang suspect na naging dahilan ng pagtatalo ng da­lawa hanggang sa magbunot ng patalim si Signar at inun­day ng saksak sa kainuman bago mabilis na tumakas. (Lordeth Bonilla)


Show comments