Hindi nagbigay ng yosi, tinarakan ng kainuman
MANILA, Philippines – Dahil lamang sa hindi pagbibigay ng sigarilyo isang lalaki ang pinatay sa saksak ng kanyang kainuman kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Patay na nang idating sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng mga saksak sa katawan si Jojit Ramirez, 31, ng Baltazar St., ng lungsod na ito. Pinaghahanap naman ang suspek na si Peter Signar at kapitbahay ng biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek sa kanilang lugar nang manghingi ng sigarilyo ang huli sa una.
Tumanggi namang magbigay si Ramirez kasabay nang pagsasabi sa suspect na bumili na lang ito ng sigarilyo dahil siya (biktima) na ang bumili ng alak. Napikon umano ang suspect na naging dahilan ng pagtatalo ng dalawa hanggang sa magbunot ng patalim si Signar at inunday ng saksak sa kainuman bago mabilis na tumakas. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending