MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang binata na umano’y sangkot sa serye ng panghoholdap matapos pasukin saka pagbabarilin ng apat na armadong kalalakihan na nakasuot ng bonnet sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ang biktima na nagtamo ng hindi mabilang na tama ng bala ng baril sa dibdib ay kinilalang si Ryan Nicor, 24, ng Kalayaan B- Batasan Hills ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may loob mismo ng bahay ng biktima habang ito ay nagsi-siyesta dakong alas-11 ng umaga.
Diumano, bigla na lamang pinasok ng mga suspek ang biktima at saka walang habas na pinagbabaril, bago mabilis na nagsipagtakas.
Ayon sa report, ang nasawi ay dating sangkot sa kaso ng panghoholdap at maaaring ang mga suspek ay ang mga nakabangga nito kung kaya siya binuweltahan.
Ayon naman sa mga residente, sakit umano ng ulo sa kanilang lugar ang biktima dahil sa trabaho nitong pagiging holdaper. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)