Kelot todas sa tiyo ng ka-live-in
MANILA, Philippines – Tinarakan sa dibdib ang isang 22-anyos na lalaki na ikinasawi nito matapos makulitan ang kaanak ng kanyang live-in partner sa panggugulo at pambabato nito, kamakalawa ng gabi, sa Tondo, Maynila.
Naisugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) subalit namatay din ang biktimang si Daryl Aquino, ng Esguerra St.,Tondo, Maynila. Agad namang sumuko sa Manila Police District-Station 1 (Herbosa Police Station) ang suspek na si Ricardo de Gala, 52, driver, ng Herbosa St., Tondo.
Sa ulat ni SPO1 Edgardo Ko, MPD-Homicide Section, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa isang eskinita sa tapat ng bahay ng suspek.
Bago ang pananaksak, nagtungo ang biktima sa bahay ng magulang ng live-in partner nitong si Pearly Ann, 15 at nagsisigaw na mistula umanong may pinagseselosan subalit hindi umano pinansin ng huli at hindi hinarap. Lalo umanong nagalit ang lasing na biktima kaya pinagbabato ang bahay.
Sa takot ng mga magulang ng babae ay nagpasaklolo ito sa barangay sa lugar at sa kalapit na police station kaya napahinto ang biktima.
Subalit ilang minuto lamang ay muling bumalik si Aquino at muling pinagbabato ang nasabing bahay na dinatnan ng pagod na suspek, tiyuhin ni Pearly Ann na galing sa pagmamaneho.
Sinaway ng suspek ang biktima subalit maging ang suspek ay nakasagutan nito hanggang sa nagkahabulan pa umano ang dalawa at nakita na lamang ng mga residente na nakabulagta ang biktimang may saksak sa dibdib. Matapos ito’y sumuko naman ang salarin. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending