MANILA, Philippines – Isang bagong modus operandi ng panghoholdap sa mga pampasaherong bus ang nireresolba ngayon ng Quezon City Police kung saan ang suspek ay gumagamit ng kotse at hinaharang ang nasabing sasakyan saka hoholdapin.
Ito ang nabatid makaraang dumulog sa tanggapan ng Station 10 ng QCPD ang mga biktimang sina Jonathan Bartolome, 24, driver; at konduktor nitong si Arnie Felizarta, 26, binata; kapwa residente ng Dahlia St., Brgy. San Jose Caloocan City na nabiktima ng nasabing suspek sakay ng isang kulay gray na kotse (TNC-311).
Ayon sa pulisya, kung dati ang highway robbery suspect ay sa loob ng pampasaherong bus pumoposisyon, ngayon ay sa labas na lamang gamit ang isang sasakyan.
Ayon naman sa mga biktima, nag-iisa lamang umano ang nasabing suspek na armado ng baril nang sila ay holdapin at tangayin ang halagang P7,000 na kanilang kinita sa buong araw na pamamasada.
Nangyari ang insidente sa may stop light sa kahabaan ng East Avenue, corner Matapang St., Brgy. Pinyahan sa lungsod ganap na alas-7:30 ng gabi.
Sakay si Bartolome ng minamaneho nitong Jell Transport bus (TVZ-953) kasama ang konduktor na si Felizarta at tinatahak ang nasabing lugar nang biglang harangin ng sasakyan ng suspek.
Agad na bumaba ang sakay ng nasabing kotse bitbit ang hindi mabatid na baril saka pinuntirya ang dalawa at nagdeklara ng holdap.
Diumano wala nang nagawa ang dalawa dahil bigla silang pinaghahataw ng sus pek hanggang sa tuluyang kunin ang kinita nilang pera saka mabilis na tumakas sakay ng kanyang get-away car.
Ayon sa pulisya, sa ngayon tinututukan nila ang nakuhang plate number ng sasakyan ng suspek upang mapadali ang pagkilala dito. (Ricky Tulipat)