Tomboy todas sa best friend
MANILA, Philippines - Dahil sa utang na hindi nabayaran, nasira ang matagal nang pagkakaibigan ng dalawang dalaga matapos na mauwi ito sa pagtatalo hanggang sa pananaksak na ikinasawi ng isa sa kanila sa lungsod ng Quezon kamakalawa.
Isang malalim na tama ng saksak sa leeg ang sanhi upang masawi ang biktimang nakilala sa alyas na Alice, umano’y tomboy matapos na tarakan ng kanyang kaibigang si Jerra Sumalpong, 24, baby sitter, tubong-Tag-ulo, Dapitan City at nanunuluyan sa Nia Road, Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Ayon sa ulat ni PO3 Allan Paul Tesado, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may C-78 Nia Road, Brgy. Pinyahan sa lungsod ganap na alas-11:30 ng gabi. Matalik umanong magkaibigan ang biktima at suspek kung saan nang muling magkita ay inungkat ng una ang matagal na umanong utang nito sa kanya na hindi nababayaran.
Dahil dito, ang komprontasyon ay nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa magsuntukan ang mga ito. Sa puntong ito, ilang kaibigan ng suspek ang umano’y tumulong na rin makigulo sa dalawa hanggang sa magbunot ng patalim ang una at inundayan ng saksak ang biktima sa leeg.
Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod naman ng tricycle driver na si Aldrin Bungat sa ospital kung saan ito idineklarang patay. Agad namang nadakip ng awtoridad ang suspek na ngayon ay nakapiit na sa himpilan ng Quezon City Police.
- Latest
- Trending