MANILA, Philippines – Ilang araw matapos ipahayag ng hanay ng Philippine National Police (PNP) ang zero crime rate sa laban ni Peoples Champ Manny Pacquiao at Ricky “The Hitman” Hatton, tila balik sa normal na operasyon na naman ang kawatan, matapos ang magkasunod na highway robbery sa mga pampasa herong bus ang naitala sa isa sa Quezon City at sa Makati kamakalawa ng gabi at kahapon ng hapon.
Ayon sa ulat sa Station 10 ng QCPD, ang huling insidente ay naganap alas- 11:30 ng tanghali sa may EDSA/ Quezon Avenue kung saan hinoldap ng apat na armadong kalalakihan ang ROV Transport Services (PVH-389) na may 15 pasahero na puro mga estudyante.
Ayon kay Bryan Ortega, driver ng naturang bus na may biyaheng Letre-Ayala, ang mga suspek ay magkakahiwalay na sumakay sa kahabaan ng Edsa kung saan pagsapit sa nasabing lugar ay saka nagdeklara ng holdap gamit ang baril at patalim.
“Lumapit po sa ’kin ang isa akala ko magtatanong lang, pero bigla akong tinutukan ng baril sa ulo, saka deklara ng holdap,” sabi pa ni Ortega.
Kasunod nito, agad na nilimas ng mga suspek ang dalang gamit ng mga biktima, bago tuluyang bumaba at tumakas pagsapit sa GMA station ilang metro ang layo sa himpilan ng Station 10 ng QCPD.
Bago ito, alas-7:30 ng gabi kamakalawa ay naitala rin sa nasabing istasyon ang panghoholdap ng tatlong armadong kalalakihan sa isang pampasaherong bus na bumibiyahe sa Susana Heights South Superhighway patungong Mantrade sa Edsa Makati City. (Ricky Tulipat)