MANILA, Philippines – Plano ng kampo ni ABS-CBN anchor Ted Failon na resbakan ang mga pulis Quezon City na umaresto at nagkulong sa mga kasambahay nito kamakailan.
Ayon kay Atty. Alfred Molo, abogado ni Failon, pinag-aaralan nilang kasuhan ng arbitrary detention ang mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Unit dahil sa hindi makatwirang pagdakip at pagkulong sa mga kasambahay ni Failon matapos ang naganap na pagkamatay ng misis nitong si Trina.
“Arbitrary detention is a possible charge against the complainants but we are still studying that,” pahayag ni Molo.
Ito’y matapos na ibasura kamakalawa ng Quezon City Prosecutors’ Office ang obstruction of justice na isinampa ng mga pulis laban kay Failon at limang mga kasambahay dahil sa umanoy ginagawang paglilinis sa pinangyarihan ng insidente at hindi pagrereport sa pulisya sa pangyayari.
Dinismis naman ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya na magdidiin sa mga ito. (Angie dela Cruz)