MANILA, Philippines – Dahilan sa kabiguang dumalo sa paglilitis ng korte sa drug case, 13 pulis na nakatalaga sa Metro Manila ang ipinasibak kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome, ito’y matapos na maalarma si Verzosa sa pagkakadismis ng kaso ng mga naarestong drug trafficker dahilan lamang sa kabiguang dumalo sa paglilitis ng korte ng naturang mga pulis.
Kinilala ni Bartolome ang mga sinibak na sina PO3 Joel Sanchez, PO2 Rommel Bulanon, PO3 Leonardo Ramos, PO3 Teresita Reyes; pawang ng Quezon City Police District ; PO3 Perlito Obligacion, PO1 Garvin Mendi, PO1 Joseph Tedd Leonor, PO1 Arnel Templa, PO1 Gerald Lagos; mga kasapi naman ng Southern Police District (SPD) PO2 Dennis Adan, PO2 Noe Abrdo, PO2 Moises Ramos at PO1 Jay Angeles; mula sa Manila Police District (MPD).
Inihayag rin ni Bartolome na sina SPO1 Robert Carino ng SPD ay na-demote o ibinaba ng ranggo. Ang nasabing statistics sa naturang mga pulis ay naitala mula Abril 13-20, 2009 bilang bahagi ng pinalakas na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga at patuloy na monitoring sa mga kasong may kinalaman dito.
Nabatid na sa nasabing period ay nasa 20 kasong kriminal ang naisampa ng PNP laban sa 23 pang mga pulis na nabigong dumalo sa paglilitis ng kaso alin sunod sa pinaiiral na Section 91 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Drugs Act of 2002.
Ayon pa sa PNP Spokesman bukod sa kasong administratibo ay mahaharap rin sa kasong kriminal ang naturang mga pulis bunga ng kapabayaan sa pagtupad ng tungkulin. (Joy Cantos)