Parak nakialam sa pustahan, tinodas
MANILA, Philippines - Isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame sa Quezon City ang namatay nang barilin ng isang lalake na nakikipagtalo sa isang pustahan sa laban ng mga boksingerong sina Manny Pacquiao at Ricky Hatton sa Celeridad St., Pasay City kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktima na si PO3 Joey Galo, 31 anyos, ng Police Security and Protection office ng Philippine National Police.
Namatay siya sa tama ng bala ng 9mm kalibreng baril. Tinutugis pa ng pulisya habang isinusulat ito ang tumakas na suspek na kinilala lamang sa alyas na “Borbie”, residente ng Celeridad St.
Nauna rito, naglalakad si Galo sa Celeridad upang pumasok sa trabaho nang makasalubong niya ang kaniyang matalik na kaibigan na si Aldrine Brown.
Agad namang nagkumustahan ang dalawa nang biglang dumating si Borbie, kinausap si Brown saka hinatak papalayo sa tapat ng isang tindahan.
Habang nag-uusap, narinig na lamang na mainitang nagtatalo sina Brown at Borbie tungkol sa pera sa kanilang pustahan at dito na nakilaam ang biktima at sinaway ang dalawa.
Papalapit na ang biktima nang pagsabihan ito ng suspek na huwag makialam sa pinagtatalunan nila ni Brown kasabay ng pagbunot nito ng baril at sunod-sunod na pinaputukan ang una. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending