MANILA, Philippines - Sobrang “kaligayahan” sa kama ang sinasabing dahilan ng ikinamatay ng isang babae na natagpuang bangkay sa loob ng isang unit ng condominium na tinutuluyan ng isang Israeli national na nakasiping ng biktima sa Legaspi Village, Makati City.
Wala nang buhay nang madiskubreng nakahiga sa silid-tulugan ng Unit 30H, 30th floor, Greenbelt, Park Place Condominium, Palanca St., Legaspi Village ang biktimang kinilalang si Virgie Ulanday, alyas “Michelle,” 24 anyos, residente ng 101-D Santiago St., Pasay City.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Noel Bardiñas ng Station Investigation and Detective Management Branch, Homicide Unit, may dalawang buwan na ang nakararaan nang unang magkakilala ang biktima at ang Israeli national na si Doron Elimelech, 51, sa Havana Club, Greenbelt Square.
Nagkaroon ng magandang relasyon ang biktima kay Elimelech na nauwi sa madalas nilang pagtatagpo.
Nabatid na ala-1:30 ng madaling-araw, muling nagkita ang dalawa at kumain pa sa isang fast food sa Greenbelt Square at makalipas ang 25 minuto, nagpasya ang dalawa na magpalipas ng magdamag sa condominium unit ni Elimelech.
Dakong alas-9 ng umaga, nang gigisingin na sana ni Elimelech ang babae, hindi na ito nagkamalay kahit pa man isinugod sa Ospital ng Maynila.
Walang nakitang anumang external injuries ang mga doktor sa katawan ng biktima na hinihinalang posibleng namatay dahil sa sobrang pagod o sobrang kaligayahan sa pakikipag-talik sa naturang banyaga. (Rose Tamayo-Tesoro)