Bangkay ng dating guro natunton
MANILA, Philippines - Masansang na amoy ang naging daan para matunton ang bangkay ng isang retiradong guro na pinagnakawan na ay pinatay pa sa loob ng kanyang tahanan sa Don Bosco, Parañaque City kamakalawa ng gabi.
Ang naaagnas na bangkay ng biktimang si Ma. Christina Raymundo, 63, dalaga, ay natagpuan dakong alas-8:00 ng gabi na duguang nakahandusay sa loob ng kaniyang bahay sa #125 Merriment St., Annex 18, Better Living Subdivision, Don Bosco.
Batay sa imbestigasyon nina PO3 Reynaldo Serafica at PO1 Pio Calvo Jr., nitong nakaraang Huwebes ng gabi, nakaagaw-pansin sa mga residente ang masangsang na amoy na nagmumula sa bahay ng biktima.
Hindi umano unang pinansin ng mga kapitbahay ang masamang amoy na habang tumatagal ay lalong tumitindi ang alingasaw nito.
Dahil dito, agad na ipinaalam ng kapitbahay na si James Cosico sa guwardiya ng subdivision na si Mario Ruben ang nasabing insidente upang alamin kung ano ang sanhi ng mabahong amoy sa bahay ng biktima.
Nang mabuksan ang pintuan ng bahay ng biktima, natunton ang naaagnas na bangkay nito na nakahandusay sa kusina at magulong-magulo ang buong kapali giran na palatandaang hinalughog ang buong kabahayan.
Ang biktima ay huling nakitang buhay ng mga kapitbahay nitong nakaraang Abril 27. (Rose Tesoro)
- Latest
- Trending