MANILA, Philippines - Tulad ng inaasahan, naging mapayapa na naman ang buong Metro Manila kahapon ng umaga dahil sa laban nina People’s Champ Manny “Pacman” Pacquiao at Ricky “The Hitman” Hatton.
Sinabi ni National Capital Region Police Office Director General Roberto Rosales na mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ay wala silang naitalang krimen sa buong kalakhang Maynila.
Sinabi pa ni Rosales na maaring abala rin ang mga kriminal sa panonood ng laban nina Pacquaio at Hatton ngunit nagtalaga rin siya ng mga pulis sa mga lugar kung saan ginaganap ang libreng public viewing tulad sa sinehan, restaurant, gym at stadium.
Samantala, tinawag naman ni Philippine National Police Spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome na crime buster ng PNP si Pacquiao dahil nagagawa nitong patigilin ang mga kriminal at masasamang loob na gumawa ng mga karahasan sa panahon ng kaniyang laban.
Inamin ni Bartolome na sa nakalipas na mga laban ni Pacman ay maraming lugar sa bansa ang nakakapagtala ng zero crime rate o kung hindi man ay mababang bilang ng mga karahasan.
Ang ganitong pangyayari anya’y sumisimbulo na oras ng labanan ay nagkakaisa ang mga Pinoy.