MANILA, Philippines - Nakapiit ngayon sa National Bureau of Investigation detention center ang isang Pakistani na inireklamo ng panloloko sa walong kataong kinolektahan niya ng placement fees kapalit ng pangakong trabaho sa Australia.
Ang suspek na si Abdul Rheman alyas “Abdul Rahaman”, “Abdul Rayman” at “Ali Latik”, naninirahan sa Maya St., Barangay Commonwealth, Quezon City, ay inaresto ng mga ahente ng NBI kamakalawa ng hapon. .
Sa ulat ni NBI-Anti Human Trafficking Division Chief Atty. Ferdinand Lavin, nakuhanan ng suspek ng P80,500 ang isa sa biktimang si Samia Ibrahim at pitong iba pa na pawang residente ng Quezon City.
Kabilang sa pangakong trabaho ang pagiging dishwasher, driver, delivery boy at iba pang skilled work sa Australia subalit hindi umano sila napaalis ng suspek. (Ludy Bermudo)