MANILA, Philippines - Ilang empleyado ng Manila City Hall ang gumagamit umano sa pangalan ni Mayor Alfredo Lim at ng iba pang matataas na opisyal ng pamahalaang-lunsod para makahingi ng mga kaukulang pabor.
Ito ang nabatid kahapon sa chief of staff ni Lim na si Ric de Guzman na nagsabing pinaiimbestigahan na niya ang naturang mga katiwalian bagaman hindi siya nagbanggit ng pangalan ng mga tiwaling empleyado.
Tiniyak ni de Guzman na kakasuhan at tatanggalin sa trabaho ang empleyadong mapapatunayang gumagamit sa pangalan ni Lim.
Nauna rito, mariing itinanggi ni Manila Bureau of Permits chief Nelson Alivio na wala siyang relasyon sa isang driver ng isang departamento na ipinatapon sa Vitas Slaughterhouse matapos na lumabag sa ilang patakaran. Ipinagmamalaki ng driver na ito na kamag-anak niya si Alivio. Hindi muna binanggit ang pangalan ng driver habang sinasailalim pa sa imbestigasyon.
Kaugnay nito, binalaan na rin ni Nancy Martin, Officer in Charge ng Manila City Personnel ang ibang mga empleyado na gumagamit ng ibang pangalan sa kanilang mga trabaho.
Ayon kay Martin, dapat na gamitin ng isang empleyado ang kanyang pangalan batay na rin sa record nito sa City Hall at hindi dapat na gumamit ng ibang pangalan para makakuha ng pabor at kadalasang ginagamit na panakot. (Doris Franche)