MANILA, Philippines - Isang babaeng Bombay ang kagyat na nasawi matapos pagbabarilin sa ulo ng hindi nakilalang lalaki sa loob ng Central Market sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Ayon kay SPO2 Richard Lumbad ng Manila Police District-Homicide Section, dalawang tama ng bala sa ulo ang tinamo ng biktimang si Kirandeep Kaur, 40, residente ng 3284 V. Cruz St., Sampaloc, Maynila.
Isang mamimili na nadamay lamang ang sugatan at nakaratay sa Jose Reyes Memorial Medical Center na kinilalang si Marietta Garcia, 44-anyos, ng 1011 Quintin Paredes St., Sampaloc.
Wala naman umanong kinuhang salapi mula kay Kaur ang salarin.
Nagsisimula pa lang maningil ng mga pautang sa palengke ang biktima nang barilin ito ng suspek.
Sa paglalarawan ni PO1 Oliver Oliveros ng MPD-Traffic Bureau, ang suspek na nakipagpalitan pa ng putok sa kanya nang habulin niya ay 6-footer, payat at nakasuot ng checkered na long sleeve na light blue.
Isang tindero, si Ariel Claro, ang nagsabing nakita niya ang nasabing suspek na humahangos papalabas ng palengke at habang tumatakbo ay nagpapalit ng t-shirt at hinubad ang checkered na long sleeve.
Dahil sa pagsigaw niya ng “magnanakaw, magnanakaw…” ay pinaputukan siya ng kalibre .45 na swerteng nailagan umano niya pero si Garcia ang nasapol sa pigi habang namimili.
Habang lumalayo sa humahabol ay itinututok umano nito ang baril na hawak hanggang sa sumapit sa Quezon Boulevard at agad na sumakay sa motorsiklo sa naghihintay sa kanyang lalaki na nagmamaneho nito at pinasibad.