Kampo ni Lozada giit na huwag sa Ma­nila City jail ipiit ang ZTE witness

MANILA, Philippines - Mananatili pa si ZTE witness Rodolfo “Jun” Lo­zada sa kustodiya ng MPD-Warrant Section dahil wala pang inilalabas na commitment order si  Metropolitan Trial Court Branch 26 Judge George Lorredo, na umano’y naka-leave at hindi rin nire­ solba ang inihaing mos­yon ng kampo ni Lozada na huwag itong ikulong sa Manila City Jail at sa halip ay ipiit na lamang sa Ma­nila City Hall-District Spe­cial Project Unit (DSPU).

Agad namang inilapit ang isyu sa pairing judge ni Lorredo na si Judge Romeo Rabacca ng MTC Branch 25 subalit tumang­gi ang hukom kaya iniakyat kay Executive Judge Sarah Alma-Lim ng Branch 15 MTC ang isyu.

Gayunman, tumanggi din si i Judge Lim sa kat­wirang dapat ang court of origin ang magresolba ng usapin kaya’t bumalik na lamang sa MTC  Branch 26, sa clerk of court ni Lorredo ang abugado ng mga madre bilang kinata­wan ni Lozada  at doon ay itinakda na lamang ang arraignment sa kasong perjury ni Lozada sa Mayo 7, alas-8:30 ng umaga. Sa Mayo 8, naman ay isu­sunod na ang pagresolba sa Urgent Motion ng mga madre na humihiling na sa DSPU makulong si Lozada.

Iginiit ng mga madre na nais nilang mailagay sa ligtas na kalagayan si Lo­zada at matiyak na mapo­protektahan ang kan­ yang kalusugan at mas mada­ling makaharap o dalawin. Bukod umano sa mas na­ka­titiyak sila ng kaligtasan ni Lozada sa DSPU, hindi rin umano ma­kakaya­nan nito ang mapunta sa sik­­sikang pi­itan lalo’t asth­matic umano ito. (Ludy Bermudo)

Show comments