3 hijackers utas sa shootout
MANILA, Philippines - Tatlong kalalakihan
na hinihinalang mga hijacker ang nasawi matapos na makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.Kinilala ni Chief Supt. Samuel Pagdilao, NPD chief ang dalawa sa tatlong suspek na sina Randy Mendiola, 38, ng San Rafael, Bulacan at Lazaro Herrera, 45, ng San Idelfonso, Bulacan, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa isa pang nasawi.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang tanggapan ng National Capital Region, Criminal Investigation and Detection Group (NCR-CIDG) na na-hijack ang truck ng Golden Express (PKV-697) na naglalaman ng mga bakal patungong Caloocan City. Dahil sa impormasyon ay kaagad na nakipag-ugnayan ang CIDG sa Caloocan City Police, kaya’t nagtatag ng checkpoint sa kahabaan ng C-3 Road ng nabanggit na lungsod, dakong alas-12 ng madaling-araw.
Positibo namang namataan ng nabanggit na mga operatiba ang truck sa naturang lugar at kanila itong pinara subalit hindi huminto.
Mabilis na hinabol ng mga pulis ang truck hanggang sa maabutan sa may 8th Avenue, gayunman sa halip na sumuko ang mga suspek, pinutukan ng mga ito ang mga pulis. Dahil dito napilitan na ring gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasawi ng tatlong suspect.
- Latest
- Trending