MANILA, Philippines - Umiskor ang mga awtoridad makaraang maharang ang supply ng mga armas na pinaniniwalaang idi-deliver sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan sa isinagawang operasyon kamakalawa ng gabi sa Pier 15, Port Area, Manila.
Ayon kay Navy Spokesman Marine Lt. Col. Edgard Arevalo, dakong alas-6:51 ng gabi nitong Martes ng magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng Task Force Sea Marshal na binubuo ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Maritime Police sa lugar.
Sinabi ni Arevalo na ang naturang illegal na shipment ng mga malalakas na kalibre ng armas ay dadalhin sa Zamboanga City sa kamay ng mga bandidong Abu Sayyaf bagay na patuloy pang iniimbestigahan. Kabilang sa mga nasamsam na supply ng mga armas ay anim na M16 rifles, isang cal. 22 rifle, sari-saring uri ng mga parte ng armas.
Nakalagay ang nasabing mga armas pandigma sa dalawang speaker baffles na nadiskubre sa isinagawang pagi-inspeksyon sa mga bagahe na isinasakay sa Super Ferry 12 sa Pier 15, Port Area, Manila. Ang kontrabando ay naka-consign sa isang Radzmal Arijan ng Baliwasan Seaside, Zamboanga City kung saan isang tinukoy na Vanessa Lopez ang shipper nito. (Joy Cantos at Ludy Bermudo)