MANILA, Philippines - Muling nagkaroon ng tila dramang eksena sa may EDSA matapos na isa na namang ginang ang umakyat sa billboard dala ng kawalan ng pag-asa sa buhay makaraang hindi siputin ng kanyang anak sa kanilang tagpuan sa lungsod Quezon kahapon ng umaga. Matapos ang halos ilang minuto, kusa namang bumaba sa billboard na nasa bahagi ng Ramon Magsaysay High School sa EDSA malapit sa Kamuning si Salvacion Lolor, 38, ng Hilongos, Leyte at nagtatakbo sa kalsada bago tuluyang ma-rescue ng mga rumespondeng tropa ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Ayon kay Edward Ramirez, alas-5:30 ng umaga ng pumanik ng billboard ang biktima matapos na umano’y mainip sa paghihintay sa kanyang anak na dapat sana ay katatagpuin nito sa Cubao sa lungsod. Sinasabing si Lolor ay lumayas sa bahay ng kanyang amo sa Pampanga para makipagkita sa kanyang anak na si Daisa sa Cubao may ilang araw na ang nakakalipas. Nang hindi umano siputin ng kanyang anak ay nawalan ng pag-asa ang ginang kung kaya’t naisipan nitong umakyat na lamang ng billboard para makatawag marahil ng pansin. Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng MMDA ang ginang habang inaalam ang mga kaanak nito na maaring sumundo sa kanya. (Ricky Tulipat)