MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga elemento ng Special Task Force ng PNP na nakabase sa Land Transportation Office (LTO) sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang babae na nagbebenta ng pekeng LTO car plates sa isang buy-bust operation sa Baclaran Pasay City.
Sa kanyang report kay LTO Chief Arturo Lomibao, kinilala ni Police Sr. Supt Robert Ganzon ang mga suspek na sina Bernadeth Tamayo at Annabel Alvaran, kapwa taga Pangasinan.
Dinakip ang dalawa sa aktong tinatanggap ang halagang P12,500 sa poseur-buyer bilang kabayaran sa 5 sets ng pekeng LTO red car plates na may kasamang LTO stickers at dokumento. Binusisi naman ng LTO operatives na ang mga kumpiskadong plaka ay hindi orihinal na gawa sa LTO office dahil sa kakaibang feature nito.
Gayunman, inutos ni Lomibao ang masusing pag-imbestiga kung may kinalaman ang mga tauhan sa LTO sa paggawa ng mga pekeng plaka. Anya, agad na kakasuhan at malamang na masibak sa trabaho ang sinumang tauhan sa LTO na mapapatunayang may kinalaman sa pagbebenta ng mga pekeng car plates. (Angie dela Cruz)