Sadistang ama arestado

MANILA, Philippines - Bagsak sa kulungan ang isang ama ma­tapos maltratuhin ang dalawang paslit na anak na pinagbuntunan nito ng init ng ulo makaraang matalo sa sugal na tong-its kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Nahaharap sa kasong child abuse ang suspek na si Jerry Romero, 46, ng Dama de Noche St., Brgy. San Roque ng lungsod.

Sa ulat, alas-11 ng gabi nang damputin ang suspek sa kanilang bahay matapos nitong maltratuhin ang mga anak na lalaki na may gulang na 13-anyos at 7-anyos.

Bago ito umuwi sa kanilang bahay na mainit ang ulo ng suspect dahil natalo sa tong-its.

Lalo itong nabuwisit dahil inabutan ang mga anak na umiiyak dahil hindi pa naghahapunan. Imbis na pakainin ay ginulpi pa ng naturang ama ang kanyang mga anak.

Hindi pa nasiyahan ang suspek at tinali ang magkabilang paa ng 13-anyos na anak bago pinatakan ng tinutunaw na plastic.

Nang ma­laman ng tiyuhin ng mga bata ang ginawa ng suspek ay sinamahan nito ang mga pamang­kin sa presinto at pinadakip ang sadis­tang ama. (Lordeth Bonilla)


Show comments