Trader binistay ng bala, todas

MANILA, Philippines - Isang junkshop owner ang nasawi, habang malubha namang nasugatan ang apat- na-taong gulang nitong anak na babae makaraang pagba­barilin ang una ng isa sa tatlong kalalakihan sa harap ng kanyang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Amado Bertuldo, 39, ng Don Fabian St, Brgy. Common­wealth, ng nabanggit na lungsod.

Sugatan naman makara­ang tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang hita ang kanyang anak na si Madhelen Bertuldo. Ginagamot ito sa Far Eastern University hospital.

Ayon sa pulisya, business rivalry at alitan sa lupa ang tinitingnan nilang motibo sa pamamaril sa biktima kung saan nagmamay-ari umano ang huli ng isang junkshop sa lugar.

Sinasabing nangyari ang insidente ganap na alas-5:15 ng madaling-araw habang nagkakape ang biktima sa harap ng kanyang bahay nang biglang sumulpot ang   mga suspek na nakasuot ng jacket at armado ng baril at pinagbabaril ang una.

Bagama’t sugatan, na­gawa pa ng biktimang maka­takbo papasok sa kanyang bahay, ngunit mabilis na si­nun­dan ito ng isa sa mga suspek saka muling pinagba­baril.

Dahil sa dami ng pinaka­walang bala ng suspek ay aksidenteng tumama naman ang isa nito sa hita ng bata dahilan upang magtamo ito ng malalim na sugat.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang kotse na walang plaka.

Agad namang itinakbo ng mga residente ang mga bik­tima sa Far Eastern University hospital kung saan idineklara ng patay ang matandang Bertuldo habang ginagamot naman ang anak nito.


Show comments