MANILA, Philippines - Tulad na rin ng nakasanayan, mapapanood nang libre sa ilang lugar sa Maynila sa Linggo ang pinakahihintay na labang Manny Pacquiao-Ricky Hatton sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Manila Mayor Alfredo Lim, inatasan na niya sina Chief of Staff Ric de Guzman at City Administrator Jesus Mari Marzan na makipag-ugnayan upang maayos na maipamigay ang admission tickets sa mga Manilenyo at makapanood sa mga sports complexes at covered courts.
Kabilang sa mga pagdadausan ng “Battle of East and West” ang Tondo Sports Complex, Del Pan Sports Complex, Rasac Covered Court , Dapitan Sports Complex, San Andres Sports Complex at Teresa covered court.
Samantala, tinutulan ng mga konsehal na sina Joel Chua (3rd district) at Manuel Zarcal ang panukala ni 1st District Councilor Arlene Koa na gawing adopted son ng Maynila ang mga boxing champion na sina Nonito Donaire Jr. at Brian Viloria.
Idiniin ng dalawang konsehal hindi naman nagsimula sa Maynila si Donaire at Vilora kaya hindi ito maaaring sabihin na “adopted sons” ng Maynila.
Hindi umano tulad ni Pacquiao na nagsimula ng kanyang pagsasanay sa Maynila at nagbigay ng kontribusiyon, sina Donaire at Viloria ay sa ibang bansa nagsimula.
Iginiit pa nina Chua at Zarcal na, bagaman dapat na bigyan ng parangal ang dalawang boksingero, dapat din umanong isipin ni Koa ang kanyang mga panukala. (Doris Franche)