MANILA, Philippines – Isang babaeng negosyante na maraming pautang sa palengke ang binaril at napatay ng hinihinalang hired killer, gamit ang pistolang may nakakabit umanong silencer sa Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Ang insidente ay halos katulad din ng pamamaslang kay Mercedita Jimenez, 62 , lola ng actress na si Pauleen Luna kung saan sa palengke din ng Blumentritt naganap noong Nobyembre, ng nakalipas na taon. Bagamat namatay sa selda ng Manila Police District ang arestadong killer na si Edison Antonio, 46.
Hindi na umabot ng buhay nang isugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Susan Obena, biyuda, at residente ng P. Guevarra St., Sta. Cruz, Maynila sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Mabilis umanong tumakas ang dalawang suspek na magka-angkas sa isang pulang Honda TMX na walang plaka.
Sa ulat ni Det. Edgardo Ko ng MPD-Homicide Section, dakong alas-5:00 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente sa harap ng isang stall sa palengke ng Blumentritt.
Abala umano sa kaniyang tindahan ng karne ng baboy ang biktima nang lumapit ang isa sa dalawang suspek na may nakasukbit umanong 9 mm. pistol na may silencer at pinaputukan ng malapitan ang ginang.
Nang magtamo ng bala ay bumagsak sa maputik na semento ang biktima subalit nagawa pang magmaka-awa sa bumabaril sa kaniya subalit lalo pa umano itong pinaputukan ng sunud-sunod.
Nabatid hindi pagnanakaw ang tinitignang anggulo ng pulisya dahil sa hindi naman kinuha ng gunman ang belt bag na nakasuot sa biktima na naglalaman ng pera.
Pinag-aaralan kung may kinalaman ang insidente sa mga binabagsakan ng panindang baboy ng biktima na hindi umano nakakabayad at nauwi sa demandahan.
Natukoy din na mas madalas na bouncing checks ang ibinabayad ng mga nangungutang sa biktima na nagreresulta sa mga demandang inihain ng biktima laban sa mga iba pang tindera ng baboy.
Naniniwala ang imbestigador na sanay pumatay at hired killer ang kumana sa biktima dahil may gamit itong silencer.