MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng Manila City Hall-District Special Police Unit (MCH-DSPU) sa isang entrapment ang isang nagpapakilalang “Chaplain” ng PNP matapos ireklamo ng isang negosyante dahil sa pagsasanla ng pekeng titulo ng lupa sa Sta. Cruz, Maynila.
Nakadetine ngayon sa MCH-DSPU ang suspect na si Eric Martin, 39, at residente ng 2269 Samson St., Malabon City, matapos ireklamo ng biktimang si Rosario Conde, 56, ng Antipolo St., Sta. Cruz, Maynila.
Batay sa reklamo ni Conde, isinanla umano ng suspect sa halagang P75,000 ang titulo ng kanyang lupa sa Malabon noong Abril 8, 2009. Gayunman, noong Abril 21,2009 ay muling lumapit sa kanya ang suspek at humingi ng karagdagang P75,000 para sa kanyang lupang isinangla.
Nagduda umano ang biktima kaya pinabalik niya kinabukasan ang suspect, para kunin sa kanyang bahay ang karagdagang P75,000. Sinamantala ng biktima ang pagkakataon inutusan niya ang kanyang anak na si Alan na iberipika ang titulo sa Malabon Register of Deeds kung saan natuklasan nila na peke ang nabanggit na titulo ng lupa.
Sanhi nito, kaagad na humingi ng tulong ang biktima sa pulisya at isinagawa ang entrapment operation kung saan timbog ang suspect.
Ayon sa biktima, nakuha ng suspect ang kanyang tiwala, dahil kilala itong isang pari sa Brgy. 349 Zone 35 at halos linggu-linggo ay nagsasagawa ng misa. Hindi naman sumagot ang suspect nang tanungin base na rin sa kanyang ID.
Nabatid na inaalam na rin ng DSPU sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) kung totoong pari ang suspect. (Doris Franche at Ludy Bermudo)