MANILA, Philippines - Kasalukuyang isinasa-ilalim ngayon sa masusing quarantine ang Pasay City General Hospital (PCGH) upang mailigtas ang mga pasyente rito sa pagkakahawa ng nakamamatay na “pseudomonas aeruginosa bacteria” makaraang mapag-alaman na “kontaminado” nga nito ang naturang pagamutan.
Sa isang exclusive interview ng PSN kay Cherry Caranay, Administrative Officer ng PCGH, inamin nito na isinasa-ilalim ngayon sa quarantine ang nabanggit na pagamutan at isang linggo ng under fumigation ang pedia ward at surgery ward ng gusali.
Nabatid na ang pagsasa-ilalim ng naturang quarantine ay matapos na matuklasan na nagtataglay nga ng bacteria ang naturang mga wards mula sa mga batang pasyente na dumaranas ng karamdaman, partikular ng mataas na lagnat.
Sa kasalukuyan ay nananatili umanong naka-pinid ang surgery at pedia wards ng PCGH.
Kinumpirma rin ni Caranay na noon pang nakalipas na Lunes sinimulan ang fumigation at tinatayang matatapos ito sa darating pang Lunes.
Wala naman aniyang dapat na ikabahala ang mga pasyente dahil ginagawa na ng pamunuan ng PCGH ang kaukulang mga hakbang upang mabigyang-proteksyon ang mga pasyenteng nananatili pa rin sa loob ng nasabing pagamutan.
Sinasabing ang pagkakatuklas sa kontaminasyon ng nasabing bacteria sa PCGH ay makaraang magsagawa ng pagsusuri dito at mag-positibong na-detect sa dugo ng ilang pasyente ang naturang bacteria. (Rose Tamayo-Tesoro)