Ocular inspection isasagawa ng NBI sa bahay ni Failon
MANILA, Philippines - Pupuntahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ni news anchor Ted Failon para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ni Trinidad Etong.
Ayon kay Atty. Ric Diaz, hepe ng NBI- Anti Terrorism Division (ATD) at siya ring tumatayong tagapagsalita sa kasong ito, payag ang pamilya Failon na pasukin ng kanilang mga ahente ang bahay para magsagawa ng imbestigasyon subalit dapat umano ay hindi kasama ang media.
“He (Ted Failon) only requested that our agents would go there (house) minus the media,” ani Diaz.
Hindi naman tinukoy ni Diaz kung kailan nila isasagawa ang ocular inspection sa loob ng tahanan ng pamilya Failon.
Kabilang pa rin sa pangunahing isasagawa ng NBI ay ang psychological autopsy o background investigation sa mga malalapit at naka-ugnayan ni Trina bago ito namatay.
Hihingin din ang huling damit na ginamit ni Trina nang isugod ito sa New Era Hospital at iba pang mahalagang kagamitan, clinical records, doctor’s orders at iba pang dokumento mula sa ospital para sa kanilang imbestigasyon.
Tinurn-over na ng QCPD sa NBI ang lahat ng reports, statements at bawat piraso ng ebidensya maliban sa baril, slug, at kagamitan ni Etong na kanyang suot nang mangyari ang insidente hanggang siya ay isinugod sa New Era Hospital.
Ang mga nakuha umano nilang ebidensya ay makakatulong upang makumpleto na ang pag-iimbestiga ng NBI. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending