3 pa sugatan, 2 tinedyer tupok sa kotse
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na pagkasawi ang inabot ng dalawa katao makaraang masunog ang mga ito sa loob ng sinasakyang kotse na unang sumalpok sa isang poste ng kuryente, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Halos hindi na makilala ang mga bangkay ng mga biktimang sina Carla Mae Otogawa, 19-anyos, dalaga, ng Aguho St., Project 3, Quezon City at Ralph Adrian Chua Tuazon, 18, Gen. Vicente Lim St., San Juan City. Kritikal naman sa intensive care unit ng The Medical City Hospital ang driver ng kotse na si Alfonso Rafael Miranda, ng Clairmont Town Homes, Acacia Lane, Mandaluyong City habang isinugod naman sa Cardinal Santos Medical Center ang dalawa pang biktima na sina Michael Andrew Viray, 24, at Rosalie Navarro, 21.
Sa ulat ni Sr. Insp. Elmer Rey Constantino, hepe ng Mandaluyong Station Traffic Enforcement Unit, dakong alas-8:55 ng gabi nang maganap ang insidente sa may Ortigas Avenue, Brgy. East Greenhills, Mandaluyong City. Nabatid na sakay ang limang biktima ng isang pulang Honda Civic (WJX-638) nang bumangga ito sa poste ng kuryente.
Ayon sa mga nakasaksi, napakabilis umano ng takbo ng sasakyan nang rumampa sa center island at diretsong sumalpok sa poste. Dito na sumiklab ang makina ng kotse at tuluyang kumalat ang apoy sa buong sasakyan.
Masuwerte naman sina Miranda, Viray at Navarro na nagawang makalabas ng kotse bago tuluyang lamunin ito ng apoy. Posible naman umano na nawalan ng malay sina Otogawa at Chua sa lakas ng pagkakabangga na tuluyang naipit sa loob ng sasakyan at natusta ng apoy.
Bigo naman ang pulisya na makakuha ng detalye sa tatlong nakaligtas na nananatiling tikom ang mga bibig na posibleng dahil sa “under shock” pa ang mga ito. Tiniyak naman ng mga awtoridad na hindi nakainom ang mga biktima at maaaring nawalan ng kontrol sa sasakyan si Miranda dahil sa posibleng dulas ng kalsada.
Sa kabila nito, inihahanda pa rin ng pulisya ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting to double homicide laban kay Miranda dahil sa pagkasawi ng dalawa niyang kasamahan.
- Latest
- Trending