MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni Philippine National Police (PNP ) chief Director General Jesus Verzosa ang pagsailalim sa refresher course ng lahat ng mga imbestigador na nagsisiyasat sa mga sensitibong krimen matapos ang kontrobersya sa pagkamatay ng maybahay ni ABS-CBN anchorman Ted Failon.
Ang hakbang ay ginawa ni Verzosa matapos na ulanin ng samut-saring espekulasyon ang isinasagawang imbestigasyon at aksyon ng Quezon City Police District na pangunahing nagsiyasat sa kaso ng sinasabing pagpapakamatay ni Trina Etong.
Kasabay nito, agad namang nagpalabas ng memorandum order si Director Raul Bacalzo, PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) sa lahat ng PNP Regional Offices sa buong bansa para isailalim sa refresher course ang mga elemento ng pulisya na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga krimen.
Nauna rito nagpahayag ng pagkadismaya si DILG Secretary Ronaldo Puno sa marahas na pag-aresto ng mga miyembro ng Quezon City Police sa bayaw at hipag ni Ted Failon na sina Pamela at Maximo Arteche sa New Era Hospital noong Abril 16 ng gabi kung saan nagkaroon ng komosyon.
Nauna nang inaresto ng pulisya ang driver ni Ted na si Glenn Ponan; houseboy na si Pacifino Apacible, mga katulong na sina Carlota Morbos at Wilfreda Bollicer.
Ang mga ito kasama si Failon at Pamela ay nahaharap sa kasong obstruction of justice bunga ng paglilinis sa crime scene habang assault upon a person in authority laban naman kay Maximo. (Joy Cantos)