NBI na sa kaso ni Trina

MANILA, Philippines - Ipinasa na ng Philip­pine National Police (PNP) sa National Bureau of In­ves­tigation (NBI) ang im­bes­tigasyon sa sinasa­bing kon­trobersyal na pagpapa­kamatay ni Tri­ nidad “Trina” Etong, may­bahay ni ABS-CBN anchor­man Ted Failon.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Interior and Local Govern­ment Secretary Ronaldo Puno na ito’y upang huwag maakusahan na bias o hindi patas na pagtrato sa imbestigasyon ang PNP sa kaso matapos itong ulanin ng samut-saring espeku­lasyon.

Kasabay nito, pinata­wan ni Puno ng 30-araw na pagkakasuspinde ang anim na pulis kabilang ang tatlong opisyal na iniimbes­tigahan kaugnay ng pag­labag sa ‘operational pro­cedure’ o ang marahas na pag-aresto sa kinaladkad na mga kamag-anak at kasambahay ni Failon sa nangyaring komosyon sa New Era Hospital noong Abril 16 ng gabi.

“To ensure that the in­vestigation will be con­ducted thoroughly and without pressure from anyone, the 6 respondents are all placed in preventive suspension effective today for a period of 30 days”, ani Puno sa PNP Press Corps kung saan tatapusin rin sa 30 araw ang imbestigas­yon sa kasong adminis­tra­tibo ng mga kinauukulan.

“They were previously removed from the case for possible violation of police operational procedures and provision of existing laws. These actions are being taken to assure the public that the investigation will be fair, conducted in a professional manner as possible”, paliwanag pa ni Puno na siya ring Chair­man ng NAPOLCOM.

Ayon kay Puno, ang im­bestigasyon sa kasong administratibo sa ‘exces­sive use of force’ laban sa dalawang opisyal na sina Sr. Supt. Franklin Maba­nag, hepe ng Criminal Investigation and Detec­tion Unit ng Quezon City Police at Deputy nitong si Supt. Gerardo Ratuita ay pangu­ ngunahan ni Atty. Owen de Luna ng NA­POLCOM Inspection, Mo­nitoring and Investigation Service.

Samantalang pangu­ngunahan naman ni PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) Chief P/Director Jaime Tagaca ang kinaka­harap na kasong adminis­tratibo nina Sr. Inspector Roberto Razon at tatlo pang police personnel.

Kaugnay naman ng pagti-turn-over ng kaso sa NBI, sinabi ni Puno na ito’y upang matapos na ang mga kontrobersya ka­ugnay ng imbestigasyon sa kaso.

Sinabi ni Puno na lahat ng kinalabasan ng imbes­tigasyon at ebidensya na nakuha ng Quezon City Police District ay ipapasa na rin sa kustodya ng NBI at magiging suporta na lamang ang PNP para ma­linawan ang kaso.

Magugunita na si Tri­nidad Etong ay natagpu­ang duguan matapos na mag-suicide sa ikalawang pa­lapag ng kanilang taha­nan sa Tierra Pura Sub­division sa Quezon City noong Abril 15 kung saan namatay ito kinabukasan ng gabi sa pagamutan sa tinamong tama ng bala ng caliber 380 pistol sa ka­liwang sentido na naglagos sa kanang bahagi ng ulo nito.

Sa kasalukuyan ay na­haharap sa kasong obs­truction of justice bunga ng paglilinis sa crime scene kabilang ang baril na gi­namit sa krimen si Ted Failon at mga kasambahay nitong sina Pacifico Apa­cible, houseboy; dalawang katulong na sina Carlota Morbos at Wifreda Bollicer, driver na si Glenn Polan. Gayundin ang hipag at bayaw ni Ted na sina Pamela at Maximo Arteche na kapwa naman inaresto sa hospital noong nakali­pas na Huwebes ng gabi.

Binigyang diin pa ni Puno na determinado ang PNP na isulong ang re­porma sa organisasyon at isang malaking hamon para sa kanila ang kaso ni Trinidad Etong bagaman tumanggi muna itong isa­publiko ang tinatakbo ng imbestigasyon sa naturang kontrobersya na hahawa­kan na ng NBI.


Show comments