2 kelot patay sa saksakan
MANILA, Philippines - Isang lalaki ang nasawi makaraang makipagduwelo ng patalim sa kinakasama ng dati niyang live-in partner sa Malabon City habang isa pa ang nasawi sa isa namang inuman sa Caloocan City kamakalawa.
Nakilala ang mga nasawi na sina Domingo Dioneda, 34, ng Flovihomes, Paradise Village, Tonsuya, Malabon; at Raffy Mendoza, 24-anyos, ng Dagat-Dagatan, Caloocan.
Dakong ala-1:00 ng hapon nang magsalubong sina Dioneda at ang suspek na si Gregorio Junique sa kanilang lugar kung saan nagkahamunan ang mga ito. Dito kapwa naglabas ng patalim ang dalawa at nagduwelo kung saan mas malubhang napuruhan ng saksak si Dioneda.
Hindi na umabot ng buhay sa Pagamutan ng Lungsod ng Malabon si Dioneda habang mabilis namang tumakas agad si Junique.
Sinasabing iniwan si Dioneda ng karelasyon niyang babae para sumama kay Junique na mas bata sa kanya.
Dakong alas-10:30 naman kamakalawa ng gabi nang mapaslang si Mendoza habang nakikipag-inuman sa mga kaptibahay sa may Dagat-Dagatan. Bigla umanong sumulpot ang suspek at pinagsasaksak ang biktima. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending