MANILA, Philippines - Gagamit na rin ng 3D (three dimensional) animation ang Quezon City Police District sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Trinidad Etong na asawa ni ABS-CBN broadcaster Ted Failon.
Ito ang nabatid kahapon kay QCPD Director Senior Superintendent Elmo San Diego na nagsabing ang 3D animation ay isang investigation tool na makakatulong para maisalarawan ang aktuwal na naganap sa loob ng bahay nina Failon at Etong sa Tierra Pura, Quezon City noong Miyerkules ng umaga.
Natagpuan si Etong na may tama ng bala ng baril sa ulo sa loob ng banyo ng isa sa mga silid ng bahay ng mag-asawa. Nalagutan ng hinihinga ang biktima habang ginagamot sa New Era Hospital noong Huwebes ng gabi.
“Gagawa kami ng isang 3D animation ng crime scene,” sabi ni San Diego sa isang panayam.
Idinagdag niya na pagbabasihan ng animation ang mga pahayag ni Failon at ng mga katulong nito sa bahay na sina Carlota Morbos at Pacifico Apacible at driver na si Glenn Polan. Kokonsultahin din ang resulta ng pagsisiyasat ng scene of the crime operatives ng QCPD at ng crime laboratory.
Takda ring ipatawag, iimbestigahan at ipapailalim sa polygraph tests ng National Bureau of Investigation sina Polan, Apacible, Morbos at ang yaya na si Wilfredo Bollester.
Sinabi ni NBI-Special Task Force Chief Arnel Dalumpines na nais nilang malaman kung bakit talaga nilinis ang banyong kinatagpuan sa biktima bago pa man ito napuntahan ng mga imbestigador.
Samantala, nilinaw ni San Diego na, kahit napatuna yang nagpatiwakal si Etong, mahaharap pa rin sa kasong obstruction of justice sina Failon at mga kasambahay nito bunga ng ginawa nilang paglilinis sa crime scene.
Tinitignan ng pulsya sa kasalukuyan ang posibleng anggulong suicide sa pamamagitan ng trajectory bullet na tumama sa ulo ng misis ni Failon.
Ayon kay San Diego, iba ang aspeto ng nasabing kaso dahil dito ay makikita na tunay na may nilabag sina Failon at mga kasambahay sa pamamagitan ng kusang pagtanggal sa mga ebidensyang dapat sana ay magbibigay linaw sa tunay na pangyayari.