MANILA, Philippines - Upang mabilis na makapagresponde sa crime scene at emergency, pinaplano na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na lagyan ng Global Positioning System (GPS) ang lahat ng mga mobile cars na nagpapatrulya sa mga tinaguriang crime prone areas sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Chief Director Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales, ang GPS system ay naging epektibo matapos itong ikabit sa 124 mobile patrol cars noong siya pa ang hepe ng Manila Police District.
Sinabi ni Rosales na malaki ang naitulong ng GPS system upang mapababa ang kriminalidad sa lungsod ng Maynila kung saan sa loob lamang ng ilang minuto ay nakakapagresponde na ang mga pulis laban sa pag-atake ng mga elementong kriminal.
Inihayag ni Rosales na ang nasabing modernong teknolohiya ay isa ring mabisang paraan para matukoy ang lokasyon ng mga mobile patrol cars at huwag itong magamit sa mga lakad na personal ng ilang mga tiwaling pulis.
“So kapag nakaparada yung mobile cars sa mga bawal na areas dun sa Pasig , huli ka “, pabirong sabi pa ni Rosales.
Nabatid kay Rosales na ang bawat GPS systems ay nagkakahalaga ng mula P15,000 hanggang P26,000 depende sa klase ng ilalagay na software sa sasakyan.
“We are hoping to have all police cars in Metro Manila to be equipped with GPS systems by the end of this year,” giit pa ni Rosales.
Sa kasalukuyan, ayon kay Rosales ay nakikipagdiyalogo siya sa mga alkalde sa Metro Manila na nagpahayag ng kahandaang suportahan ang pagbili ng GPS sa mga local na mobile patrol car units upang mapababa ang kriminalidad sa kanilang mga hurisdiksyon at para sa mabilis na pagresponde ng mga pulis.
Nabatid na ang Quezon City Police District ay may 200 na police patrol cars na karamihan ay donasyon ni Quezon City Mayor Feliciano “Sonny” Belmonte. (Joy Cantos )