Mister dedo sa best friend
MANILA, Philippines - Patay ang isang mister makaraang gantihan at barilin ito ng kaniyang matalik na kaibigan dahil lamang sa awayan ng mga bata, kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Nakilala ang nasawi na si Fernando Castillo, ng P. Manahan St., nabanggit na lungsod. Ang suspect naman na kinilalang si Edgardo Encarnacion, 43, ay pinaghahanap na ngayon ng pulisya. Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa P. Manahan St., Pasay City. Nabatid na ang suspect at ang biktima ay laging magkasama sa anumang okasyon ng kanilang mga pamilya, partikuar sa inuman. Dahil lamang sa simpleng alitan umano sa pagitan ng kanilang mga kapatid at kaanak hinggil sa away sa mga bata, nauwi sa tampuhan ang kanilang magandang samahan. Kamakalawa ay natuldukan na ang pagiging mag-best friend ng dalawa nang barilin ng suspect ang biktima dahilan upang masawi ang huli. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending