MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na ikinukunsiderang undesirable alien dahil sa pagkakasangkot sa operasyon ng isang shabu laboratory sa Roxas, Palawan, dalawang kaso ng estafa at pagkakanlong ng Chinese illegal fishermen. Kinilala ang suspected drug trafficker na si Xu Qing Jiang , 46 , na nakapiit sa BI jail sa Bicutan matapos maharang si Xu sa NAIA terminal 2 habang papasakay ng flight patungong Puerto Princesa. Nabatid na isa si Xu sa suspek na nagmementine ng shabu laboratory na sinalakay noong Enero 17, 2009 na nagresulta sa pagkakasabat ng mga gamit at sangkap sa paggawa ng ilegal na droga. Sa rekord, may deportation order na inisyu ang BI laban kay XU, pitong taon na ang nakararaan. Sangkot din umano sa pagkakanlong ng mga iligal na mangingisdang Chinese nationals si XU noong Mayo 17, 2002, dahil sa iligal na pagpasok at pangingisda sa kara gatan na sakop ng Palawan. Naging dahilan ito upang magpalabas ng deportation order ang BI partikular ang tangka umanong panunuhol ni Xu sa mga awtoridad para palayain ang mga kababayan niyang mangingisda. Naberipika din ang dalawang kasong estafa na kinakaharap ni Xu sa Palawan Court. Ayon kay BI Associate Commissioner Roy Almoro, mananatili si Xu sa bilangguan habang nakabinbin ang pagpapatupad ng deportation laban sa kanya. (Ludy Bermudo)