MANILA, Philippines - Anim na miyembro ng Manila Police District (MPD) kabilang ang isang opisyal ang inireklamo ng pangongotong ng isang custom processor ng halagang P20-libo kaugnay sa simpleng paggamit ng sirena sa sasakyan, sa Sta. Mesa, Maynila.
Nahaharap sa Grave Misconduct at Serious Irregularities in the Performance of their duties sa kasong administratibo habang sa kasong criminal naman ay Robbery (Extortion), Arbitrary Detention at Illegal Arrest laban kina Insp. Cesar Teneros; PO3’s John Taruc, Rene de Guzman at Wilhelm Castillo; PO2’s George Barobo at Erwin Payumo, pawang nakatalaga sa MPD-Police Community Precinct (PCP)-Bacood ng Station 8 (Sta. Mesa) nang pormal na ireklamo ni Dexter Ponce, 32, Custom Processor ng Gov. Pascual, Tugatog, Malabon City.
Sa ulat ni PO2 Gilbert Isole ng MPD-General Assignment Section (GAS), dakong alas-8 ng gabi noong Abril 13, 2009 nang maganap ang insidente sa Padre Faura St., Ermita, Maynila.
Sa salaysay ni Ponce, galing siya sa isang gym sa Manila at habang binabagtas niya ang nasabing lugar nang harangin ang minamaneho niyang kotse ng limang katao na nakasibilyan (mga suspek na nakilala sa gallery of police) na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo.
Pinababa si Ponce, pinosasan at isinakay sa kanyang kotse at sinabihan na kakasuhan siya dahil sa paggamit ng MPD sticker at sirena ng kanyang kotse hanggang sa nakarating sila sa Sta. Mesa Police Station. Ikinatuwiran ni Ponce na nabili niya ang kanyang sasakyan na may sirena at MPD sticker na.
Ayon pa sa biktima, sinabi ni Taruc na kakasuhan siya ng paglabag sa RA 9165 o iligal na droga, expired license, iligal na paggamit ng ID ng Bureau of Fire Protection (BFP), pagpapakilala na isa siyang pulis at Bombero at Illegal Possesion of Firearms. Kinuha rin umano ni Taruc ang kanyang tatlong cellphone, itim na bag na naglalaman ng 9 mm. na baril at pitaka na may laman na P67,000.
Kumuha rin umano si Taruc ng P1,500 para pambili nila ng meryenda habang muling tinanong ni Castillo kung “paano mo matutulungan ang sarili mo”.
Dahil sa kanyang sitwasyon, napilitan umanong sabihin ni Ponce na kunin na lang nila ang laman ng kanyang pitaka at magdadagdag pa ito ng P50,000 para lamang umano ito makalaya. Tinawagan ni Ponce ang isang Alvin Eusebio at Francis Padilla upang magdala ng pera kung saan P20,000 lamang ang kanilang nadala.
Dakong alas-5 ng umaga ng palayain si Ponce bagama’t ibinalik din umano ang kanyang mga gamit kabilang ang baril na may lisensiya matapos itong papirmahin sa blotter. (Ludy Bermudo)