Jocap inilibing na sa Marikina
MANILA, Philippines - Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang mga labi ni Press Undersecretary Jose “Jocap” Capadocia kahapon sa Loyola Memorial Park sa Marikina City na dinaluhan ng higit 300 kamag-anak, kaibigan at mga kasamahan sa trabaho sa Malacañang.
Pinangunahan ni Press Secretary Cerge Remonde at Marikina Mayor Marides Fernando ang mga opisyales ng pamahalaan na dumalo sa naturang okasyon habang nagpahatid naman ng kanyang muling pakikiramay si Pangulong Arroyo.
Nagpalipad ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ni Jocap ng puti at asul na mga lobo na may nakasulat na: “So long, Jocap”.
Nagbigay rin ng kanilang huling mga mensahe ang mga kapamilya, kaibigan, kasamahan sa trabaho at maging mga kapitbahay sa Sta. Mesa, Maynila sa isang misa bago tuluyang ibaon ang kanyang mga abo. Nabatid na una nang isinailalim sa cremation ang bangkay ni Capadocia.
Isa si Capadocia sa walong sakay ng Presidential Chopper na bumagsak nitong nakaraang linggo sa may kabundukan ng Ifugao kung saan nakilala ito sa pamamagitan ng suot na boots at sigarilyo sa bulsa.
Sinabi ng mga nakasama sa propesyon bilang mamamahayag na nagsilbing modelo at ama sa mga nakakabatang mamamahayag si Capadocia na naging katangi-tangi ang pakikisama at dedikasyon sa tungkulin nito. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending