MANILA, Philippines - Apat na insidente ng carnapping ang naitala sa Quezon City sa loob lamang ng magdamag.
Ayon sa ulat, unang kasong naitala ay naganap sa Project 7 kung saan tinangay ng nasabing grupo ang isang Mitsubishi Adventure (XRB-988) na pag-aari ng isang Orlan Marignen habang nakaparada sa harap ng kanyang bahay sa Kalyos St., Brgy. Veterans sa lungsod ganap na alas- 8 ng gabi.
Ilang oras ang nakalipas muli namang napaulat ang pagkawala ng isang Honda Civic (WFK-489) na pag-aari ng isang Nicolo Manahan, residente sa Gladiola St., Dasmariñas Villages, Makati at isang Mitsubishi Estrada (XCL-285) na pag-aari ni Victor Anthony Ramos, ng 29-A, Natib St., Cubao.
Hindi pa man nag-iinit ang insidente sa dalawa ay dumulog naman sa pulisya ang isang Peter Chua Lao para ireklamo ang pagkawala ng kanyang kulay green na Toyota Land Cruiser (UGL-541) habang nakaparada sa may Tomas Morato, malapit sa Scout Fernandez, Brgy. Laging Handa.
Dahil sa sunod-sunod na insidente ay naalarma ang pamunuan ng Anti-Carnapping Unit ng QCPD na minsan nang tinaguriang carnapping capital ng bansa.
Nauna nang nangako si Senior Supt. Elmo San Diego na paiigtingin ng kanyang pamunuan ang seguridad sa lahat ng uri ng criminal elements sa lungsod matapos na umakto ito bilang district director. (Ricky Tulipat)