Kelot 'sinapian', nanaksak sa jeep
MANILA, Philippines - Kritikal ngayon ang isang lalaking pasahero makaraang pagsasaksakin ng kapwa nito pasahero gamit ang isang gunting matapos na umano’y mawala sa sarili at mistulang sinapian umano ng demonyo ang huli sa loob ng isang pampasaherong jeep, kamakalawa ng gabi sa Pasig City. Inoobserbahan sa Pasig City General Hospital sanhi ng tinamong saksak sa likod at braso ang biktimang si Percival Fadriquela, 26, ng Welfareville Compound, ng naturang lungsod. Arestado naman matapos na madamba ng kapwa pasahero ang suspek na si Clarito Baldo, 31, at naninirahan sa Villa Monique, Brgy. Pinagbuhatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi habang lulan ang biktima at suspek sa isang jeep na may rutang Pasig-Quiapo sa may Shaw Blvd. sa kanto ng Ortigas Center. Wala umanong sabi-sabing nagbunot ng gunting ang suspek at inatake ng saksak sa likod ang nagulat na biktimang si Fadriquela na katabi nito sa upuan. Susundan pa ito ng saksak ng suspek ngunit nasalag ng braso ng biktima kung saan dito na siya naawat at napagtulungan ng iba pang lalaking pasahero ng jeep.
Mabilis namang isinugod si Fadriquela sa pagamutan habang isinuko ang suspek na si Baldo sa pulisya. Sa loob ng istasyon, ikinatwiran ni Baldo na hindi niya kilala ang biktima at hindi rin umano niya alam ang kanyang ginagawa. Iginiit nito na biglang nandilim ang kanyang paningin at nawalan ng malay hanggang sa matauhan na lamang siya nang pinagtutulungan na siyang awatin sa loob ng jeep. Sinabi pa nito na maaaring sinaniban siya ng masamang ispiritu dahil sa mga problemang kanyang dinadala sa kanyang pamilya at kawalan ng trabaho. Handa rin umano niyang panagutan ang kasong “frustrated homicide” na isinampa sa kanya ng pulisya sa korte. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending