Onsehan sa droga ugat sa Muntinlupa shootout
MANILA, Philippines - Onsehan sa droga ang nakikitang motibo ng pulisya sa nangyaring barilan na nagresulta sa pagkasawi ng apat-katao, kabilang ang isang pulis at pagkakasugat ng tatlo pa kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Patay kaagad ang biktimang si Santiago Maritana, 45, alyas “Ago” ng Binalot St., Purok I, Brgy. Cupang, Muntinlupa habang hindi na umabot ng buhay sa Asian Hospital si PO2 Enrico Delmonte, 35 ng Police Community Precinct (PCP) 2 ng Muntinlupa police sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa likod na tumagos sa dibdib. Napatay naman ng mga nagrespondeng ta uhan ng SWAT ang dalawang hindi nakikilalang suspect.
Nasa ligtas namang kalagayan sa Ospital ng Muntinlupa matapos tamaan ng ligaw na bala sina Roland Lagaco, 21, John Larry Timoteo, 20 at Jacob Espina, 16, pawang mga estudyante na naki-usyoso lamang nang marinig ang putukan.
Batay sa tinanggap na ulat ni Senior Supt. Elmer Jamias, hepe ng Muntinlupa City Police, nakatayo sa harap ng kanyang bahay si Maritana nang dumating ang apat na armadong suspect dakong alas-6:30 ng hapon at kaagad na pinagbabaril ang biktima.
Narinig umano ni PO2 Delmonte na residente ng Kalye Abnoy, Purok I, Brgy. Cupang ang putukan kaya’t kaagad siyang lumabas, bitbit ang kalibre .45 baril at nakipagpalitan ng putok sa dalawa sa apat na suspect na hinahabol din ng mga barangay tanod.
Hindi umano batid ng pulis na nasa likuran niya ang dalawa pang salarin kaya’t nasapol kaagad siya ng bala nang paputukan ng mga suspect.
Nakatakas ang dalawang salarin habang nasukol naman ng mga nagrespondeng tauhan ng SWAT team ang dalawa pa na nagtangka pang manlaban at makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad bago tuluyang napaslang.
Sa ginawang pagsisiyasat, lumalabas na onsehan sa droga ang motibo ng pamamaslang matapos na hindi umano bayaran ni Maritana ang malaking halaga ng shabu na kanyang kinuha sa sindikato ng illegal na droga. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending