MANILA, Philippines - Apat na tao ang nasawi sa pakikipagbarilan ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Unit sa apat na kalalakihan sa Muntinlupa City kahapon ng hapon.
Isa sa mga nasawi, dahil sa tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at ibang bahagi ng katawan, ang nakilalang si Santiago Maritana, 45-anyos, buy and sell agent ng Purok 1, Barangay Cupang ng naturang lunsod.
Hindi mabatid habang isinusulat ito ang katauhan ng mga nakaenkuwentro ng pulisya.
Isang tauhan ng SWAT na si PO1 Eric Belmonte na nagtamo ng dalawang tama ng baril sa katawan ang hindi na umabot nang buhay sa Asian Hospital.
Dalawa naman sa mga suspek ang idineklarang dead on arrival sa Alabang Medical Clinic. Isa ang nakilala sa pamamagitan ng identification card na si Bong de Guzman. Ang kasama nito ay nasa edad na 30 hanggang 35 anyos.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Muntinlupa ang tatlong sugatang biktima na tinamaan ng ligaw na bala na sina Roland Lagasco, 21; John Larry Temoteo, 20; at Jaycob Espina, 16, pawang mga estudyante.
Base sa pangunang report ni Senior Supt. Elmer Jamias, hepe ng Muntinlupa City Police, dakong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ni Maritana sa Purok 1 Barangay Cupang ng nasabing lungsod.
Nakatayo si Maritana sa nasabing lugar nang biglang dumating ang apat na suspek na pawang armado ng kalibre .45 baril at walang sabi-sabi na pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nang duguang bumulagta ang biktima ay pawang naglakad lamang palayo sa naturang lugar ang mga suspek subalit naging alerto naman ang mga tauhan ng barangay tanod at mga tauhan ng SWAT at hinabol ang apat.
Nakipaghabulan at nakipagpalitan ng putok ang mga awtoridad sa mga suspek subalit minalas na tamaan at masawi si Belmonte habang ang dalawa sa apat na suspek ay nasawi rin.
Ang tatlong bystanders na mga estuyante ay tinamaan ng ligaw na bala habang nagaganap ang habulan at palitan ng putok ng mga awtoridad at ng mga suspek.
Ayon kay Barangay Captain Celso Joque ng Barangay Cupang, ang biktimang si Maritana ay matagal na niyang supporter sa kanilang lugar.
“Sa ngayon hindi ko pa alam ang motibo sa pananambang kay Maritana at wala naman akong alam na kaaway ito,” dagdag pa ni Captain Joque.