Mister na naningil sa kuryente itinumba
MANILA, Philippines - Basag ang bungo, tadtad ng bukol at pasa sa katawan ang sinapit ng isang mister kaya agad itong nasawi matapos na pagtulungang pagpapaluin ng tubo at kahoy ng kanyang bayaw at dalawang kaibigan nito dahil sa pagtatalo sa singil ng kuryente sa lungsod ng Quezon kamakalawa.
Ang biktima ay kinilalang si Eli Ligal, 39, may-asawa, basurero at naninirahan sa Purok 5, Dona Nicasia St., Waterhole A, Litex Road sa lungsod.
Nadakip naman ng pulisya kahapon ang isa sa mga suspek na si Ricardo Abad, nasa hustong gulang at residente rin sa nasabing lugar habang tinutugis pa ang kasama nitong sina Pedro Tumbaga, bayaw ng biktima at isang alyas Butoy.
Ayon kay PO3 Joseph Madrid, imbestigador, nag-ugat ang krimen sa simpleng singil ng kuryente na pag-aari ng biktima at hindi nababayaran ng bayaw nito na si Tumbaga na nakikikabit lamang sa una.
Ayon sa ulat, nag-iinuman umano ang mga suspek ganap na alas-7 ng gabi nang dumating ang biktima at sinisingil si Tumbaga dahil malaki na ang nakukunsumo nito sa kuryente ay hindi man lamang marunong magbayad. Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at kanyang bayaw hanggang sa habang naglalakad papauwi ang una ay biglang dumampot ng tubo at kahoy ang mga suspek saka pinagtulungang hatawin ito sa buong katawan at ulo.
Matapos ang insidente ay agad na nagsipagtakas ang mga suspek habang ang biktima naman ay mabilis na isinugod ng kanyang mga kapitbahay sa East Avenue Medical Center ngunit idineklara naman itong dead on arrival.
Ayon kay Madrid, posibleng iligal na kuryente ang pinagkakabitan ng linya sa bahay ng biktima kung saan naman nakikikabit ng linya ang kanyang bayaw kung kaya ito ang sinasabing ugat upang hindi magawang magbayad ng huli. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending