Driver ng DOTC exec tinodas ng carjackers

MANILA, Philippines - Isang driver ng isang opisyal ng Department of Transportation and Communications ang nasawi makaraang pagbaba­rilin ng mga hinihina­lang carjacker sa Brgy. Pansol, Quezon City kamakalawa.

Tinangay din ng mga suspek ang To­yota Grandia matapos mapatay ang bikti­mang si Rodolfo Sam­bayon, 28-anyos, family driver ng isang opis­yal ng DOTC na si Ricardo Quartero.

Binawian ng buhay si Sambayon habang isinusugod sa Quirino Me­morial Medical Cen­ter dahil sa tina­mong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Ayon sa ulat ni SPO3 Renato Mora­les, imbestigador sa kaso, binabantayan ni Sambayon ang natu­rang sasakyan habang hinihintay niya sa labas ng simbahan ng Maria dela Estrada sa natu­rang lugar ang pamilya ng kanyang amo nang lapitan siya ng dala­wang lalakeng armado ng baril.

Tinutukan ng baril ng mga suspek ang bik­tima saka pilit na ina­agaw mula dito ang hawak na manibela. Nang manlaban ang biktima ay saka pinag­babaril ito ng mga sus­pek sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Nang bumuwal ang biktima ay saka kinuha ng mga suspek ang sa­sakyan at pinaha­rurot ito papalayo sa na­sabing lugar at ini­wan ang una na nali­ligo sa sarili nitong dugo.

Show comments