MANILA, Philippines - Bunsod ng ginawang paghihigpit ng Manila Police District (MPD) sa riding in tandem na sangkot sa serye ng krimen, dalawang lalaki kabilang ang isang wanted sa patung-patong na kaso at may hawak ng sindikato ng ‘pailaw’ o iligal na koneksiyon ng kuryente, sa Parola Binondo, Maynila ang nadakip kahapon.
Ipinrisinta kay Manila Mayor Alfredo S. Lim ang mga suspek na sina Edgar Rioferio, 36 , alyas “Tambobo” ng Area C, Parola Compound, Binondo, Maynila at Jimmy Blanco, 41, alyas “Spider”, ng Purok 1 Isla Puting Bato, Tondo, Maynila.
Sa ulat ni P/Supt. Nelson Yabut, hepe ng MPD-Station 11 (Binondo) , dakong alas-2:05 kahapon ng madaling-araw nang arestuhin ang mga suspek sa Gate 54 Area C, Parola Compound makaraang pagdudahan ang pag-ikut-ikot nila sa lugar na magka-angkas sa motorsiklo na kulay pula (NO-3876).
Nang masita ay nakapa ang sukbit na kalibre 9 mm. na baril ni Blanco at 3 plastic sachet ng shabu naman ang nakuha kay Rioferio.
Nang isailalim sa beripikasyon, natukoy na si Rioferio ay responsable sa pamamaslang sa isang Ricky Moreno, construction worker ng Parola compound, noong Marso 23, 2008. Dahilan umano ito sa pagre-report ni Moreno sa illegal connection na ginagawa ng grupo ni Rioferio at komukolekta ng malaking halaga sa maraming kabahayan sa Parola.
Sinabi ni Yabut na nakumpirma din ang ulat na si Rioferio ang inirereklamo ng Manila Electric Company (Meralco) na may kagagawan ng paninindikato sa ‘jumper’ ng kuryente sa lugar.
Nabatid na nagtago muna sa Cavite si Rioferio nang mag-isyu ng warrant of arrest ang korte at muling lumantad upang pamahalaan muli ang illegal connection at koleksiyon sa kuryente sa lugar ng Parola.
Si Rioferio umano ay dating tauhan ng isa pang murder suspek na si alyas “Baldo” kasalukuyang nagtatago diumano sa Cavite City, na nakabaril sa kaalitang si Bonifacio Lebrilla, 47, dahil sa alitan din sa kuryente at nakabaril din sa apat na menor de edad na naglalaro at nadamay noong Enero 26, 2009. Si Rioferio ang humahawak ng koleksiyon dahil sa pagtatago ni alyas “Baldo” na ‘robinhood’ umano sa lugar kaya pinagtatakpan ng mga kakilala. (Ludy Bermudo)