Exodus ng mga pasahero sa mga terminals, patuloy

MANILA, Philippines - Patuloy ang exodus ng libu-libong mga pasahero sa iba’t ibang mga terminal sa Metro Manila na magtutungo sa mga probinsya kaugnay ng paggunita sa Semana Santa.

Ito ang nabatid kahapon matapos na pangunahan mismo ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang pag-iinspeksyon sa ipinatutupad na seguridad sa mga terminal.

“We would like to make sure that our commuters would feel safe, nandito ang inyong Mamang Pulis,” ani Verzosa matapos naman ang deployment ng mga tauhan ng pulisya sa mga terminal ng iba’t ibang uri ng sasakyan sa Metro Manila.

Gayundin, mahigpit ring babantayan ang bisinidad ng mga Simbahang Katoliko at ang mga lugar na tinutungo ng mga tao sa panahon ng Kuwaresma.

Bago ito ay unang binisita ni Verzosa ang MRT North Avenue Station sa kahabaan ng Edsa, Quezon City. Sumunod ay sa terminal ng bus sa Cubao, Quezon City kung saan ay nagsagawa ito ng pag-iinspeksyon at pinayuhan rin ng safety tips ang mga commuters. Ininspeksyon ni Verzosa kung sapat ang police visibility sa mga terminal ng bus, K- 9 dogs gayundin ang mga nagrorondang mobile patrol sa mga lansangan.

Sa panayam naman kay Mr. Mon Legaspi, Manager ng Araneta Center Bus Terminal, sinabi nito na inaasahang lolobo pa sa mahigit 5,000 ang exodus ng mga pasahero sa Cubao.

Samantala, inatasan rin ni Verzosa ang mga pulis na tumulong sa pangangasiwa ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan partikular na sa Metro Manila . (Joy Cantos)


Show comments